Free Printable Filipino Story Book: Nang Maglakad ang mga Bakawan
1
Nang Maglakad
ang mga
Bakawan…
Villamor S. Quebral, Ed. D
2
Ang akdang ito ay nililok ng isip at puso upang sadyang ialay sa dalawang
Dakilang Ina -- Ang Inang Lupa at Inang Kalikasan…
Aking layunin na sa pamamagitan ng akdang ito ay bigyan ng tinig ang kanilang
panaghoy at daing dulot ng matinding sakit na kanilang dinaramdam…
Taglay ko ang pag-asang mabuksan ang mga mata at tainga ng tao na kanilang
kinanlong at inaruga sa kanilang bisig at sinapupunan…
ngunit ang isinukli ay pagmamalupit at walang habas na pagsira bunsod ng sakim
na pakinabang.
3
Masasabi kong ang aklat na ito ay may sariling buhay at pagkilos na
sadyang pumukaw sa puso ko’t diwa. Nasabi ko ito dahil maraming beses na
tinangka kong ito’y itago na lamang sa pangambang baka di nito matawag ang
pansin ng balana. Subali’t sa bawat tangka ko na ito’y gawin ay siya namang
pagkakaroon ng mga di pangkarinawang kaganapan sa iba’t ibang panig ng
daigdig.
Pinasimulan ko itong sulatin nang kasalukuyang nananalanta ang bagyong
Ondoy noong buwan ng Setyembre taong 2009, habang pinapanood ko sa
telebisyon ang mga kahindik-hindik na kaganapan duiot ng matinding pagbaha.
Ang malakas na ragasa ng tubig na sumalanta sa maraming tao at ari-arian ay
nagsilbing malakas na pwersa na siyang nagtulak sa akin na buuin ang akdang ito.
At sa loob lamang ng halos dalawang buwan ay natapos ko ang manuskrito.
At habang isinasagawa ko ang rebisyon at editing ay kasabay na nagaganap
ang mga di pangkaraniwang kalamidad. Ang pinaka-espesipiko na aking
mababanggit ay ang paglindol sa Japan noong nakaraang taon (Marso 12, 2011).
Naging sanhi ito ng malaki at malawak na tsunami na kumitil sa mahigit 4,000
buhay at nagwasak ng maraming tahanan at ari-arian. Lalong nagpuyos ang aking
damdamin at isip na tapusin ang aking pagsulat.
Lumipas uli ang ilang buwan bago ako naglakas loob na ito’y ipresinta sa
isang Palimbagan --- at ako’y labis na nagalak nang ito’y pumasa sa kanilang
ebaluwasyon na ito ay mailimbag -- sa kundisyon na gawin ko ang pinal na editing
at rebisyon. Patapos na ang editing ng bumulaga na naman ang balita sa diyaryo,
radio at telebisyon ang balita tungkol kay “Sandy” --- ang binansagang
“Frankeinstorm” na sumalanta sa Eastern Seaboard ng Estados Unidos.
At habang isinusulat ang bahaging ito ng aklat, ay kasalukuyan pang
tinataya ang lawak ng pinsala sa buhay at ari-arian sa New York at New Jersey,
4
na naging sentro ng di pangkaraniwang bagyo, at noon lang nangyari sa buong
kasaysayan ng mundo – na ang tatlong “extreme events” ay nagsanib-puwersa
para mabuo ang isang dambuhalang bagyo.
Nais ko ring tawagin ang inyong pansin na ang bagyong “Sandy” ay
sumentro sa New York City – na sa Proplogo ng aklat na ito ay siya ring lugar na
aking binanggit (2009 pa nang ito’y aking isulat) upang ilarawan ang posibleng
maging malagim na pangyayari o kaganapan sa malapit na hinaharap kapag
nagpatuloy ang pagsira sa Lupa, at kawalan ng malasakit sa Kalikasan at sa iba
pang mga nilalang.
Ang mga pangyayari na aking binanggit, nagkataon man o sadyang
pinagtiyap ng panahon, ang nagtulak sa akin na ipalimbag na ang aklat na ito,
dahil may hinuha ako na baka sa kakaantala ay kusa na itong maglakad papunta
sa palimbagan.
5
PROLOGO
Ang Senaryo ay General Assembly ng United Nations sa New York,
Estado ng Amerika. Nagkakatipon ang mga pinuno ng mga bansang kasapi, mga
teologo, siyentipiko, kasama ang mga piniling pangulo ng mga kilalang
Pamantasan sa buong mundo.
Mapapansing balisang-balisa ang lahat ng dumalo sa asembleyang iyon;
maingay sa malaking bulwagan, at nakapalibot ang mga makabagong video screen
at dito ay ipinakikita ang mga kagimbal-gimbal na pangyayari sa iba’t-ibang sulok
ng daigdig.
Tumindig ang Sekretaryo Heneral at sa isang magiting ngunit basag na
tinig ay kaniyang ipinahayag: “Ladies & Gentlemen, today we are facing an
unprecedented crisis which is gigantic in proportion. It is indeed a global
catastrophy. Never in the past that we witnessed such crisis – as a matter of
fact, a group of our best scientists, after having their thorough assessment of
these very peculiar phenomena, concluded that the entire humanity is now on
the brink of EXTINCTION!”
Naudlot ang pagsasalita ng Sekretaryo Heneral sa malakas na hiyawan ng
mga dumalo sa pagpupulong na yaon. At dito niya tinawag ang kanilang pansin na
panoorin ang mga pangyayari sa ibat-ibang panig ng daigidig na ipinakikita sa mga
malalaking video screen na nakapalibot sa bulwagan.
Sa isang screen ay ipinakikita ang pagkatunaw ng mga yelo sa Antartica –
dahilan ng pag-apaw ng tubig sa mga karagatan sa dakong yaon; sa katabing
screen naman ay nakalarawan ang matinding tagtuyot sa Africa – patung-patong
ang mga patay na hayop at makikita ang mga tao, mga bata at matatanda, na
buto’t-balat na lang dahil wala nang makain at tubig na mainom; sa Estados
Unidos ay paralisado ang lahat ng kalakalan at serbisyo ng pamahalaan dahil sa
matinding krisis sa tubig at kakapusan ng suplay ng enerhiya; halos ganito rin ang
pangyayari sa Europa, sa Asia at maging sa Australia. Dagdag pa rito ang mga
malalaking sunog sa mga dati’y berdeng kagubatan bunga ng matinding init. Sa
Gitnang Silangan naman ay nagsara na ang mga kumpanya ng langis dahil natuyo
6
na ang mga depositong pinagkukunan sa disyerto man o sa karagatan – dahilan
kaya wala ng makikitang tumatakbong mga sasakyan at umaandar na mga
factoria; Sa China naman ang di mabilang na tao ay nasa magkabilang pampang
ng Yellow River, na tumatangis dahil ito’y biglang natuyuan ng tubig; nagkalat sa
ibat-ibang baybayin ng karagatan ang mga patay na isda at mga lamang dagat;
langkay-langkay din ng iba’t-ibang uri ng ibon ang bigla na lang nangamamatay; at
sa isang lugar sa Malayong Silangan na dating taniman ng sari-saring mga
bulaklak, ngayon ay puro dahon at tangkay na lang na natutuyo ang makikita --
wala nang makita kahit isang talulot ng bulaklak. At ito pa ang isang kahindikhindik
na tanawin – nagkalat ang mga bangkay sa lansangan, umaapaw ang mga
pagamutan sa dami ng mga may sakit, sanhi ng isang salot na karamdaman na
kung ano ang lunas ay hindi matuklasan.
Pagkatapos nito ay biglang nangamatay ang mga video screen, at isang
malakas na dagundong ang maririnig na paparating. Dali-daling lumapit ang
Pinuno ng Seguridad sa Sekretaryo General at may ibinulong sa kaniya…titindig
sana ang Sekretaryo Heneral upang magsalita, ngunit biglang sinalpok ng
higanteng daluyong ang UN Headquarters – isang dambuhalang tsunami ang
dumating at nilamon ng kalaliman ang buong estado ng New York…
Ang Senaryong ito ay masasabing isang kathang isip; ngunit maari ding
isiping ito’y isang paglalarawan ng posibleng maging kaganapan sa malapit na
hinaharap. Kung sabihin naman na ito’y isang panaginip o bungang-tulog, ang
panaginip ay may tiyak na kahulugan na di dapat ipagwalang bahala sapagkat
nagbabadya ito ng isang pangyayari. At ang karaniwang ginagawa sa taong
nananaginip ay gisingin upang bumalik sa kaniyang ulirat.
Ang akdang ito ay naglalayong gisingin at tawagan ng pansin ang tao dahil
sobra na ang kaniyang pagmamalupit sa kalikasan. Malaki na ang kaniyang
nagawang pinsala sa Kalikasan at sa Inang Lupa na kaniyang pinagmulan. Ang
pansin ng tao ay pirming nakatuon sa sariling pakinabang at sa hinaharap – wala
siyang kasiyahan. Nalimutan na niyang magsaalang-alang sa kalikasan at sulyapan
ang nakaraan, ang kaniyang pinanggalingan – ang kaniyang pinagmulan at
panimula ng lahat ng bagay.
7
Kabanata 1
Nang Pasimula…
Nang pasimula, ipinasya ng Makapangyarihang Bathala na lumikha ng bagay na
magdudulot sa Kaniya ng kaluguran at tuwa. Dito Niya naisip na lumikha ng
isang di malirip na kalawakan, at dito Niya inilagay ang mga dambuhalang tanglaw
sa araw at gabi – ang araw, buwan mga planeta at bilyun-bilyong mga bituin.
Plano ni Bathala na gumawa pa ng maraming bagay. At dito niya ipinasya na
pumili mula sa mga planeta ng isang magsisilbing tahanan ng iba pang mga bagay
na nais niyang likhain.
Sa mga ito’y napili si Ertho. Si Ertho ang siyang Haring Lupa. Pinuno’ ng yaman
si Ertho – sa kaniyang mga ugat ay nananalaytay ang ibat-ibang uri ng mineral.
Ang kaniyang mukha ay nalalambungan ng mga bulaklak na sari-saring kulay. Ang
ulo nito ay natatakpan ng makapal at berdeng kagubatan.
8
Ang hininga niya ay sakdal linis at ang dampi nito ay nagbibigay ng buhay sa buo
nitong katawan. Ang kaniyang musika ay matimyas na awit ng mga ibon sa
himpapawid. Ang kaniyang tinig ay malamyos na atungal ng ibat-ibang uri ng
hayop sa kaniyang mga gubat at kaparangan.
Masaya si Ertho at punong-puno ng buhay. Sa umaga’y magiliw na nakikipaglaro
sa Haring Araw. Sa tanghali nama’y puting ulap ang sa kaniya’y lumalambong, at
sa gabi’y pinahihimlay siya ng halumigmig ng mga Tala at ng Dakilang Buwan. Ang
halimuyak niya’y kasariwaan. Ang ngiti niya’y punong-puno ng sigla at kulay. Ang
kaniyang pagkauhaw ay tinitighaw ng manaka-nakang pag-ulan.
Nakita ni Bathala na masigla at makulay si Ertho, subalit kaniyang napagtanto na
mayroon pang kulang. Ninais Niyang makakita ng likidong bughaw – kasing kulay
ng Langit na Kaniyang tahanan. At sa likhang ito ay dito naman Niya itatahan
ang iba pang mga bagay na nais Niyang malalang.
Dito Niya nilikha si Oceana. Si Oceana ang siyang Reynang Karagatan. Tulad ni
Ertho, pinuno’ rin ng yaman ni Bathala si Oceana. Sa kaniyang sinapupunan ay
nakalagak ang ibat-ibang uri ng substancia at mineral. Dito rin makikitang
lumalangoy ang mga sari-saring isda at lamang-dagat na langkay-langkay.
9
Ang pinaka-adorno ni Oceana ay mga makukulay na corral – tahanan ito ng mga
isdang sa kaniya’y kaaliwan. Ang kaniyang pisngi’y mga dalampasigan ng puti at
asol na buhangin. Ang kaniyang musika’y tiklado ng mga alon na sinasaliwan ng
malamyos na sipol ng hangin.
Tulad din ni Ertho kalaro niya ang Haring Araw kung araw, at ‘pag gabi naman
ang kaniyang timon ay ang Dakilang buwan. Ito ang tumitimpla sa dating at
paglikas ng mga alon sa kaniyang mga dalampasigan, upang ang tunog ng mga ito’y
matimyas pakinggan.
Ang kaniyang dalampasigan ay kaaya-ayang lakaran, laluna kung ito’y gawin sa
pagbubukang liwayway. Alingasaw ng kaniyang tubig ay totoong napakadalisay,
dulot nito ay sigla at kalusugan ng kapaligiran. Malumanay na bugso ng hanging
dumampi sa kaniyang tubig na bughaw, ay sadyang nagpapatingkad sa buhay at
daloy ng kalikasan.
10
Kabanata 2
Ang Dakilang Union
Labis ang tuwang dulot kay Bathala ng dalawang bagay na kaniyang nilikha.
Buhay at kulay ang kaniyang nakikita, sa tuwing tinatanaw sina Ertho at
Oceana. Isang araw ay naisip niya; “Ano kaya’t aking pagsamahin itong dalawa,
ano kayang buti at ganda ang ibubunga?”
Sa hudyat ng Kaniyang salita’y pinapagsama niya itong dalawa, at lalong
tumingkad ang kulay at buhay na kaniyang nakita.
Sina Ertho at Oceana ay pinagbigkis ng mga agos ng tubig. Mula sa bukal ng mga
kabundukan, naugit ang mga ilog at batis. Hanggang sa ang mga ito’y humantong
sa mga baybayin at karagatan, na tila laging naka-abang na salubungin ang
panauhing hinihintay.
Araw at gabi ang kanilang ulayaw ay walang patid. Sa pagniniig nila’y umuusbong
ang puno mula sa binhing maliit. Mula sa tangkay ng halaman ay lumalabas ang
bulaklak na makulay. Sa sanga ng mga sari-saring puno lumalawit ang mga
bungang pagkaing mainam.
11
Sa mga pugad ng sari-saring ibon ay lumalabas ang mga inakay na umaawit. Sa
mga corral ay naglalaro ang mga isdang maririkit.
Sa parang ay walang tigil ang laro ng buhay – ang nanghuli ngayon ay siya namang
huli bukas, sa ibang hayop na sa kaniya’y mas malakas.
Ang isa pang dakilang hiwagang maituturing, ay ang gawain ng luntiang dahong
kanipis-nipis. Sa kaniyang pagsalo’ sa dampi ng init, lumilikha ito ng pagkaing
bumubusog sa lahat ng sa kaniya’y nakapaligid. Kapag ang dahong ito ay nalagas
mula sa tangkay na pinagmulan, at sa lupa ito’y nalagak -- sa tulong ng hangin,
tubig at init, nagsisilbi itong bagaso sa punong sa kaniya’y tumangkilik.
Ang likas ng tubig ay sadya ring kagulat-gulat. Likido man itong naturingan
subalit may puwersang di kayang sagkaan at pilit na kinakamit ang lebel nitong
dapat. Mula sa kalalilam ito’y bumubulwak upang diligin ang lupang tigang at ang
angkin nitong yaman.
12
Pagkatapos ay dadaloy sa mga ilog at batis, at ang tiyak na hantungan nito ay
pusod ng karagatan. Mula rito’y tatangayin siya ng hangin at init upang
pansamantalang ilagak sa himpapawid. Sa panahong si Bathala lamang ang
nagtakda, ang tubig na ito’y muling babalik sa lupa -- pumaimbulog na aso’ ngayon
ay naging mga patak ng likido, na kusang dumidilig sa mga halaman at puno.
Ang natural na daloy ay tuloy-tuloy, palibhasa sa batas ni Bathala dito
nananalunton. Sa daloy na ito umiinog ang buhay, ng lahat ng bagay na nilalang
ng Maykapal. Ang daloy ding ito ang nag-uugnay sa lahat -- mga, hayop, halaman,
ilog bundok man o dagat.
Ang pag-iral ng bawat isa ay magkakaugnay upang sustenihan ang buhay ng isa’tisa.
Kaya ang daloy na ito’y hindi dapat maudlot, upang hindi rin maampat ang
buhay at sigla na kaniyang dulot.
13
Kabanata 3
Nilalang ang Tao
Sa pagdaan ng mga panahon nakita ni Bathala ang lalong pagyaman at pagyabong
ng mga bagay na kaniyang nilikha. Sa patuloy na pagniniig nina Ertho at Oceana
ay lalong naging makulay at masigla ang natural na daloy ng buhay.
Lalong kumapal ang mga kagubatan. Umuusbong ang maraming bulaklak na sarisari
ang kulay. Naglipana ang mga hayop sa parang; mga ibong nagliliparan sa
himpapawid; ang mga ilog at batis ay puno ng sigla, tuloy-tuloy ang daloy na
walang bara. Sa gabi’y maririnig ang nagsasalimbayang tinig ng mga maliliit na
nilalang -- onomatopoeia ang musika na kanilang alay, na sinasaliwan ng Hanging
Amihan.
Ang dagat naman ay lalong naging matingkad na asul. Lalong kumapal ang mga
lamang dagat at mga langkay-langkay na isda. Ang mga dalampasigan ay lalong
dumalisay sa walang tigil na paghagod ng mga alon sa gabi’t araw. Ang hangin ay
sakdal sariwa at malinis; malayang gumagala at pinasasayaw mga munting dahon
at bulaklak.
14
Kung mayroong Paraisong matatawag, ‘yan ang pasimulang kalagayan ng
mundong likha ni Bathala. Nilikha Niya ito na hindi sira; bagkus ay kumpleto sa
mga elemento at mineral; balansiado ang lahat at walang kulang, lahat ng
kailangan ay Kaniyang isinangkap.
Ngunit napagtanto ni Bathala na tila may kulang pa sa kaniyang nilikha. Oo nga’t
maganda at makulay ang mundo na kaniyang ginawa, mga natural na sangkap ay
sadyang sagana. Subalit ania’y, “Sino kaya ang maaari kong makasama, upang
pagmasdan at wariin itong aking mga nilikha?”
Dito niya naisip na lalangin ang Tao -- ayon sa kaniyang wangis ito’y kaniyang
nilalang. May sangkap na puso upang may panamdam; at ng isip upang
pagpapasya’y kaniyang isang katangian at kahigtan sa iba pang mga nilalang.
Mula sa alabok ng lupa ang tao’y kaniyang nilikha. Nilalang siya na sadyang
kakaiba -- may katawan, espiritu at kaluluwa. Nilalang ang tao na sadyang
kalarawan ng Bathalang lumikha.
15
Matingkad ang bilin sa tao na nilalang: “Humayo kayo at magpakarami, at inyong
kalatan ang lupa, at inyong supilin…” “Kayo” ang wika dahil ang tao’y di nag-iisa,
lumalang si Bathala ng makakasama niya. Ang unang tao na mula sa alabok ng
lupa ay tinawag na “lalake;” at ang ikalawang tao na lalang mula sa kaniyang
tadyang ay tinawag na “babae.”
Kung paanong si Ertho ay binigyan ng kapares – si Oceana; gayundin ang lalake
ay pinarisan ng babae.
Inisip ni Bathala na kumpleto na ang gawain niyang paglikha, kaya minarapat
niyang magpahinga. Subalit bago niya ito gawin ay hinirang niya ang tao bilang
“katiwala” sa lahat ng kaniyang nilalang: Aniya sa tao, “lahat nitong aking mga
nilikha sa iyo ko dinadala upang bigyan ng ngalan; mga puno, halaman, ibon, mga
hayop sa parang, mga isda sa dagat sa batis o sa mga ilog man, lahat ay inilalagay
ko sa ilalim na iyong mga kamay.”
“Danga’y iyo lamang sanang tandaan, na ang mga ito’y katulad mo ring aking
nilalang. Kung ang mabuhay at tumahan ay iyong karapatan, yan man ay binigay
ko sa iba ko pang mga nilalang.”
16
“Dugtong pa ni Bathala, “Tinatawag ko bilang saksi sina Ertho at Oceana, pati
na ang Langit kasama ang lahat ng mga Tala, narinig nilang lahat ang sa’yo ay
aking ibinilin, huwag ka sanang magtalusira bagkus ay ingatang tuparin.”
17
Kabanata 4
Ang Pagtalusira ng Tao
Nang una ang tao’y naging masunurin. Sa lahat ng utos na sa kaniya’y ibinilin.
Lahat ng nilalang ni Bathala ay kaniyang binigyang ng pangalan: mga hayop, ibon,
isda sa karagatan, mga puno at halaman pati mga maliliit na nilalang.
Nagpapatunay ito ng talino niyang taglay, kakambal ng kapangyarihang sa kaniya’y
ibinigay.
Sa paglipas ng panahon ang mga nilalang ay patuloy na kumapal. Sa natural na
daloy mga bagong buhay ay umuusbong. Ang dakilang union ni Ertho at Oceana
ay lalong nagpayaman sa angkin nilang kulay at ganda.
Ngunit kasabay nito ay ang paglago at paglaki ng tao. Sa angking kakayahan
pinalawak nito ang kaniyang kapangyarihan. Lalo na nang mula sa kaniyang lipi ay
lumitaw ang apat na dakilang supling: Sina Romano, Cesario, Amerigo at
Oxfordo.
18
Ang apat na ito ay may kani-kaniyang pinamamahalaan:
Si Romano ang namahala sa espiritu at humubog sa paniniwala ng tao;
Si Cesario ang nag-ugit ng mga batas ukol sa karapatan at ari-arian ng tao;
Si Amerigo ang namuno sa pangangalakal o komersiyo na ginawa ng tao;
At si Oxfordo naman ang panday ng kaisipan at nagsangkap ng dunong sa tao.
Si Romano ang nagturo ng pananalig kay Bathala, na siya’y dapat kilanling tunay
na Manlilikha. Sa apat na sulok ng lupa ito ang kaniyang matiyagang ipinunla -- na
lahat ng tao’y kay Bathala dapat na sumamba. Kaniya ring binigyang diin na ang
tao, sa lahat ng nilalang, ay siyang pangunahin dahil sa talinong taglay -- siya ang
hinirang upang pamahalaan ang lahat ng iba pang mga nilalang.
Anupa’t malaya siyang gawin ang anumang maibigan. Ito’y dahil sa akalang ang
lahat ng mga ito’y sa kaniya ibinigay, upang tugunan lamang ang kaniyang
pangangailangan. Nalimutan niya ang bilin na dapat din silang pangalagaan at
mayroon din silang karapatan sa buhay at tirahan.
19
Upang ipakita ang paggalang kay Bathala, ang tao ay lumikha ng ibat-ibang hugis
at simbolo. Nagpatayo siya ng malalaking edeficio na may sari-saring disenyo.
Nilagyan ang mga ito ng mga adorno -- larawan ng ibon, hayop at tao; kasama
pati larawan ng araw, buwan at ng mga tala; na yari sa kahoy, kundi man sa bato,
tanso at ginto. Sinasabing sumasamba kay Bathala, subalit bakit sa mga imaheng
ito nagpapatirapa?
Ganito hinulma ni Romano ang isip at espiritu ng tao—isang paghulmang
bumulag sa mata ng puso at naglihis sa dakilang adhika kung bakit nilalang ang
tao. Ito rin ang ugat ng kawalan ng pagsasa-alang-alang sa buhay at kapakanan
ng iba pang mga nilalang.
Ang estadong ito ng tao ay lalong pinalawig ng kapatid ni Romano na si Cesario.
Inugit ni Cesario ang mga batas at alituntunin, upang ang karapatan ng tao’y
lalong palawigin. Ang mga batas na ito ang nagtakda ng pagmamay-ari, sa mga
lupa, bundok, at gubat; ultimong mga butil ng mga likas na binhi.
20
Pati na mga ilog batis at bahagi ng dagat, inangkin na rin ng tao bagaman di
dapat. Si Cesario din ang masikap na nagturo, kung paano gamitin ang
karapatang pantao -- karapatang sumaklaw at nagpawalang bisa sa karapatan ng
iba pang mga nilikha.
Hindi ba’t ang batas ni Bathala ang dapat na umiral? Sapagkat ang batas na ito
ang sinusunod ng kalikasan. Ito ring batas na ito ang nagbibigay karapatan, hindi
lamang sa tao kundi maging sa iba pang mga nilalang – karapatan sa tirahan at
karapatang mabuhay.
Sa batas na kinatha ni Cesario lalong naging espesyal at naging sentro ang tao.
Ang mga batas ding ito ang nagbigay ng di maampat na karapatan upang
abusuhin ng tao ang Inang Lupa at mga likas nitong yaman.
Sa pagsilang ni Amerigo ang tao’y lalong naging makapangyarihan. Sapagkat
taglay nito ang sandata ng agham at karunungan. Natutuhan ng tao kung paano
hugutin ang mga likas na yaman mula kay Ertho at Oceana na si Bathala ang
naglagay.
21
Ang tao’y nagparoo’t-parito, sa mga bundok at karagatan, upang simsimin ang
mga tagong yaman. Anupa’t itinatag ng tao ang komersiyo o kalakalan, na ikinubli
sa ngalan ng industrialisasyon at kaunlaran.
Subalit ang mga gawang ito na walang humpay ay nagdulot ng malaking pinsala
kina Ertho at Oceana. Ang mga kagubatang dating lambong sa mukha ni Ertho
ay unti-unting nawala. Ang mga ilog at batis na kusang bumubukal mula sa
kaniyang puso, ngayon ay nalagyan na ng bara.
Ang hanging dating sariwa, ngayon ay marumi at bilasa na. Ang dating mga
higanteng puno ngayon ay mga dambuhalang konkreto na. At ang dating
kabukirang luntian ngayo’y kulay abo at matigas na kapatagan na.
Si Oceana na dating kulay asul ngayon ay itim na. Mga corral na tahanan ng mga
isda ngayon ay giba-giba na. Pati mga anak nilang maliliit ay nilalambat at kung
minsa’y pinapatay ng malakas na tunog ng pasabog. Ang mga dalampasigan na
noo’y maaliwalas at malinis, ngayo’y unti-unti nang naglalaho at kung anu-ano na
ang nakatindig.
22
Kung si Romano ang humulma sa espiritu ng tao, si Oxfordo naman ang
pumanday sa kaisipan at nagsangkap ng karunungan sa tao. Tila isang Heneral
itong si Oxfordo na sumanay sa kakayahan ng tao at ihanda ito sa
“pakikipagdigma.” Ang digmaan ay hindi laban sa kapuwa tao, kundi laban sa
kalikasan at sa iba pang mga nilalang.
Taglay ang sandata ng karunungan umugnay si Oxfordo kay Amerigo. Ang mga
“kawal” na kaniyang sinanay ay idinistino sa mga larangang sakop ni Amerigo. Ang
mga kawal na ito ang ginamit sa kalakalan – kalakalang walang habas na sumira sa
kalikasan.
Nagsimula ang kanilang operasyon sa paggawa ng mga riles na bakal. Sinundan
ito ng paggawa ng mga canal na diumano’y daluyan ng kalakal; pagkatapos ay
sumunod ang malawakang Industriyalisasyon. Sa mga proyektong ito di mabilang
na mga puno ang kanilang kinatay; at sa bawat milyang riles na bakal daan-daang
bundok ang kanilang binungkal.
Ang mga sumunod na operasyon ay lalong mapaminsala. Sapagkat ito ay itinuon
sa pagsimsim sa mga likas na yaman. Nilikha ng tao ang awtomobil na pinatatakbo
ng petroleo. Ito rin ang nagpapagana sa mga dambuhalang factoria na bumubuga
ng usok na may lason. Sa petroleo din nagmumula ang ubod tibay na plastic – na
siyang dahilan ng pagbabara ng mga ugat na daluyan ng tubig.
23
Ang pagdami ng tao ay naging sanhi rin ng maraming kabit-kabit na suliranin.
Kakulangan sa pagkain ang pangunahin. Paano’y ang mga dating bukid at parang
na tinutubuan ng pananim, ngayo’y bloke-blokeng konkreto na ang duo’y
nakatanim.
Dahilan din ito upang mabulabog ang mga maliliit na kulisap na dati’y
nananahimik. Paano’y sinira maging ang kanilang mga munting silid. Kung ganti
mang matatawag ay hindi natin batid, ngunit ang kanilang paghalubilo sa tao ay
nagdulot ng iba’t-ibang uri ng sakit.
Bilang bahagi ng pagsasanggalang, hindi lang sa sarili kundi sa iba pang
pakinabang -- gumawa ang tao ng mga likidong sangkap -- sa paniwala’y pantaboy
sa mga kulisap, ngunit ang di niya alam ay lason din ito na kaniyang
ikapapahamak.
Ang lahat ng mga pangyayaring ito sa mata ni Ertho at Oceana ay hindi nalingid.
Palibhasa ramdam nila ito na tila masakit na hagupit. Ang dating mukha ni Ertho
na makulay at puno ng buhay, ngayon ay makulimlim na at saklot ng kalungkutan.
24
Gayun din si Oceana, na dating bughaw sa kariktan, ngayon ay unti-unting
kumakalat ang lason sa kaniyang kalaliman. Sa kaniyang sinapupunan na noo’y
ramdam ang piglas ng buhay, ngayon ay unti-unting nagiging malalim na libingan.
The Great Pacific Garbage Patch
25
Kabanata 5
Nang Maglakad ang mga Bakawan…
Ano itong ingay na aking naririnig? Taghoy at hiyawan na walang patid.
Naglulundagan ang mga dambuhala sa dagat. Ang mga isda ay di mapigil sa
pagpiglas, na tila gustong umahon sa mga talampas.
Ang awit ng mga ibon ay naging tila iyak; ang atungal ng mga hayop ay naging
tunog ng paghudyat. Ang hanging Habagat ay naging masungit na bagyo. At ang
hanging Amihan ay naging higanteng ipo-ipo.
Makulimlim ang kalangitan, at ang mukha ng araw ay di masilayan. Ang tanging
maaaninag ay guhit ng kidlat sa kalawakan. Ang katahimikang bumabalot sa
kalangitan ay dagundong ng kulog ang siyang tanging bumabasag.
Nabaling ang aking tanaw sa dalampasigan, kung saan nagsasalubong ang tubigalat
at tabang. Laking gulat ko nang aking masaksihan, nakita ko ang mga
naglalakad na bakawan, kasama ng iba’t-ibang uri ng puno sa kagubatan.
26
Sa unahan nila’y maraming kawan ng mga hayop na nag-uunahan. Sa himpapawid
naman ay iba’t-ibang uri ng ibon, kulisap at mga balang na langkay-langkay. Na sa
kapal nila’y halos magdilim ang kalangitan.
Nang aking wariin kung saan ang kanilang tungo, sa iisang direksiyon aking
napagtanto. May tunog ng pakakak na sa kanila’y gumagabay, galing sa isang
dako kung saa’y di ko alam.
Ang diwa ko’y hindi mapalagay, sa senariong ito na aking nasaksihan. Isang
dakilang martsa ng mga nilalang, walang nakahalong tao kahit isa man. Kaya
aking ipinasya na kahit man lang sa aking balintataw, ay masundan sila kung saan
ang hantungan.
Nakita kong tumigil na ang martsa - sa isang pationg nuon ko lang nakita. Isang
kalaparan ng lupa na di masukat kahit ng mata. Kasabay ng pagtigil ng tunog ng
mga pakakak ay siya namang pagkahawi ng tabing mula sa ibaba ito’y pumaitaas.
27
Dito lumantad ang dalawang trono na nasa gitna ng patio. Ang isa’y kulay
bughaw at ang isa’y kulay ginto. Sa hudyat ng pakakak ay nakita kong pumagitna
ang dalawang Dakila.
Sa anuncio ng tinig na umalingawngaw, sinabing “MABUHAY SINA ERTHO AT
OCEANA!” at ang lahat ay nagpugay bilang tanda ng paggalang.
Ang tanawin ay sadyang kamangha-mangha, na kung saan nagkakatipon ang ibatibang
uri ng nilikha. Sa kanilang anyo at galaw ay mahihinuha na may malaking
pagkilos na nagbabadya.
Ang diwa ko’y binalot ng pagkabahala, sa tanawing ito na aking nakita. Tanong
ko sa sarili’y kahulugan nito’y ano kaya? Bakit sa karamihang ito’y walang
nakahalo, wala, kahit isa mang tao. Kundi mga hayop, isda at puno, kasama ang
mga ibon, mga kulisap na mayroong kani-kaniyang pinuno.
28
Kabanata 6
Ang Dakilang Konsilyo
Nakita kong tumayo si Ertho at nagsalita. Ang kaniyang tinig ay tila kulog na
dumadagundong; at ang lahat ng naroon ay matamang nakinig. Malinaw niyang
tinuran, “Kayong lahat ay aking ipinatawag dahil sa mahalagang bagay na di
dapat ipagpaliban; ito’y may kaugnayan sa gawa ng mga tao na sa ati’y
paglapastangan.”
“Mahaba na ring panahon na ito’y ating tiniis. Subalit sa halip na ang tao’y
tumigil, lalo pa itong naging malupit. Upang ito’y aking patibayan, tinatawag ko
ngayon sina Flora, Fauna, at Naturno, upang sa atin ay magbigay ng kani-kaniyang
ulat.”
Unang tumayo at nagsalita si Flora – ang pinuno ng lahat ng uri ng halaman at
puno. “Mahal na Ertho at Oceana, mga kasama,” ang bungad na salita ni Flora.
“Sadyang nakakaligalig ang pangyayari sa aming hanay. Ang aming kagubatan na
dating makapal, ngayon ang natitira ay mangilang-ngilang puno na lang. Kung
susumahin sa kaniyang kabuuan, ikawalong bahagdan (1/8) na lang ang gubat sa
aking kaharian.”
29
“Ito’y dahil sa walang habas na pagputol ng mga punong kahoy, upang tustusan
ng tao ang kaniyang pangangailangan—pangunahin dito ay ang paggawa niya ng
sariling tahanan, bukod pa sa ang ibang kaputol ay ginagawa niyang uling at
panggatong.”
“Bukod pa rito ang ginagawa ng kanilang mga kaingero, na dahil wala nang
matamnan sa kapatagan ay kinakalmot pati ang gulugod ng aming kabundukan,
at kaniyang sinusunog ang para sa kaniya’y sukal na nakakabalam. Dahilan ito
upang ang aming lupa kapag bumuhos ang malakas na ulan, ay dumadausdos
dahil wala nang makapitan.”
“Ang aming mga puno na dati’y hitik ng natural na bunga, ngayon ay unti-unti
nang nawawalan ng sigla. Paano’y sa kagustuhan ng tao na marami siyang
mapakinabang, binubugahan ito ng usok na kung ano ito ay di namin alam.”
“ Dagdag pa rito ang ginagawa ng tao, na paghalu-haluin ang di magkakauri. At
sa dunong niya’y nagagawa niyang pausbungin ang bagong binhi mula sa laman ng
mga puno at halaman na kaniyang sinuri. Kaya ang bunga na dati’y ubod tamis,
ngayon kung di mapakla ay naging mapait.”
30
“Tungkol naman sa aming mga halamang namumulaklak; na nagsisilbing adorno sa
aming kaharian; ngayon ang kanilang matingkad na kulay ay unti-unti nang
napaparam. Paano’y ang dating pagkaing natural, pinalitan ng tao ng tinatawag
niyang kemikal. Ang totoo nakarating sa akin ang malungkot na ulat, na malapit
na ang panahong dina sila muli pang mamumukadkad.”
Ikalawang tumayo at nagsalita si Fauna – ang pinuno ng lahat ng mga hayop sa
lupa at sa dagat. Matapos siyang magbigay pugay kina Ertho at Oceana ay sinabi
niya: “Mga kasama, ang mga tinuran ni Flora na mga suliranin ay pawang totoo at
aking nasaksihan. Sa katotohanan, may malaki itong kaugnayan sa dinaranas
ngayon ng aming kaharian. “
“Sa unti-unting pagkawala ng mga kagubatan, malaking suliranin sa amin ang
tahanan. Sa bawat punong mawala, maraming ibon, mga unggoy at gagamba ang
nagiging gala. Ang ibang mga hayop na kung tanghali ay gustong magpahinga,
subalit dahil wala nang masilungan ay di na magawa. Pati mga zorra, musang at
daga, ay nabubulabog kapag binubungkal ang lungga, kung saan sila tahimik na
nakatira.”
“Marami na rin sa amin ngayon ang nagdarahop, dahil sa pagkain ay kinakapos.
Paano’y pati dahon, kulisap at uod ay pinapatay kundi man kinakain ng mga
mapagsamantalang buktot.”
31
“Ang mga kapatid naming nasa mga karagatan ay di rin nakaligtas sa mga sukab
na kalaban. Lahat ng uri ng isda malaki o maliit man, sa mga lambat at sima ng
tao ay hinuhuling walang pakundangan. Hindi sila nagkasiya na ang mga isda
hulihin at lutuin, isinilid pa ang mga ito sa mga lata na ikalakal ang layunin.”
“Ang mga corral na nililok ng kalikasan, upang maging tahanan ng mga kapatid
naming nasa karagatan; unti-unti ring sinira ng mga taong gahaman sa yaman.
Dahilan ito kaya marami sa mga lamang dagat, na kapag sumapit ang tag-ginaw
man o tag-init, sa mga dalampasigan ay patay na napapadpad.”
“Ang iba naman sa aming mga kasama, oo nga’t buhay na kinukuha, pero
humahantong naman sa ‘piitan,’ upang duon sila mapagmasdan ng mga taong ang
hangad lang ay magkaroon ng kasiyahan.”
“Ang mga gawang ito ng tao ay sadyang nagdudulot sa amin ng matinding
hinagpis. Marami na sa aming lahi ang lumisan dahil dina makatiis. Ang masaklap
pa nito, isa-isang hanay na ang naglalaho mula sa aming kaharian. Lahat ng ito’y
dahil sa mapaminsalang gawa ng taong gahaman.”
32
Ikatlong tumayo at nagsalita si Naturno – ang pinuno ng lahat ng likas na yaman.
“Ako’y totoong nabagbag sa aking mga narinig, mula sa iniulat nina Flora at
Fauna, at sa aking kaharian ay halos ganun din ang sinapit. Mula ng sumulpot
ang tao sa daigdig, ang aming kaharian ay di na natahimik. Nagsimula ang tao na
bato lang ang interes, subalit nang kalaunan pati na ang mga subastancia at
mineral sa aming kalaliman ay kanilang hinithit.”
“Saan ba nagmula, ang ginto tanso at bakal kundi sa mga ugat ng aming
kalaliman? Pati na ang petroleo na sa tao’y malaking pakinabang, sa amin ding
kaharian ang pinagmulan. Ginigiba nila ang mga bundok ginigiik ang mga bato;
para lang makuha ang mineral na kanilang gusto.”
“Ang gawang pagproseso sa mga mineral na ito, ay nag-iiwan ng latak na kung
saan-saan tumutungo. Malimit na ito’y humahalo sa aming mga tubig: mula sa
gawa nilang canal, tuloy ito sa mga ilog at batis, na ang huling hantungan ay ang
pusod ng karagatan.”
“Sa pusod ng mga disierto at ng mga karagatan, sila’y nagbabaon ng mga tubo, sa
layuning simsimin ang likidong inaasam. Lahat ng mga gawang ito ay masakit sa
aming panamdam, dahil katumbas nito’y hinihigop ang lakas na aming taglay.”
33
“Dahilan ito kaya nagkaroon ng vertigo ang kalikasan, nawalan ng balanse ang
dating daloy na natural. Nagawa nilang butasin pati na ang ulap na lambong,
upang ang klima sa mundo ay maging mainam.”
“Ngayon ang init ay sadyang nakulob, dulot ito ng sari-saring usok na
pumapaimbulog, mula sa mga dambuhalang chimnea na tao rin ang may gawa.
Ang isang ibinunga nito ay pagsilang ng kambal: El Nino at La Nina ang kanilang
pangalan --sobrang tagtuyot kapag tag-araw, sobrang baha naman kapag tagulan.”
“Isang bagay pa ang nais kong ipapansin, na mula sa aming kaharian ang tao’y
maraming kinukuha. Sa pamamagitan ng mga ito lumilikha siya ng iba’t-ibang
bagay, dahil sa dami ng kaniyang pangangailangan. Ngunit kapag ang kailangan
niya ay kaniya nang nakamtam, ang nalabi sa mga ito’y itinatapon kahit saan.”
“Ang mga kalat na ito ang nagpapangit sa aming mukha, at sa mga ugat
namin ay nagsilbing mga bara. Tubig at hangin na dating sariwa, ngayon ay
masasabing naging bilasa na.”
34
Kabanata 7
Ang Babala ng Pag-a-aklas
Pagkatapos na mag-ulat ang tatlong naatasan, ay muling tumindig si Ertho sa
gitna ng karamihan. Sa magiting na tinig ay kaniyang tinuran: “Pagkatapos na
ating marinig ang ulat ng tatlong kaharian, alam kong may ngit-ngit sa inyong
pakiramdam. Iyan ang dahil kaya kayo’y aking tinawagan, upang tayo’y bumuo ng
tiyak na hakbang.”
“Una kong naisip kung inyong marapatin, si Bathala ay ating sangguniin, yayamang
siya ang lumalang sa atin, pasiya niya ay ating alamin.” Lahat ay sumang-ayon sa
kaniyang tinuran, sa isang tinig kanilang pinailanglang, ang samo kay Bathala sila’y
ipagsanggalang.
At narinig ko ang isang malakas na tinig na nagsasabi: “Narinig kong lahat ang
mga iniulat; at aking nakitang totoo itong lahat. Ang paglalang ko sa tao’y aking
labis na pinagsisisihan; sapagkat sumira siya sa aming kasunduan. Hinirang ko
siyang maging tagapagbantay at tagpag-alaga, sa mga bagay na aking nilalang,
ngunit siya pa itong gumawa ng malubhang kapinsalaan.”
35
“Maraming beses ko na siyang pinaalalahanan, ngunit tila naging manhid na ang
kaniyang pakiramdam. Saksi sina Ertho at Oceana, sa mga kalamidad na aking
pinadala; ngunit hangga ngayon ang tao’y patuloy pa rin sa kaniyang gawang
mapaminsala, na tila baga wala siyang kadala-dala.”
“Nagpadala na ako ng mga lindol at tsunami; malalakas na bagyo na may
kasamang buhawi; matinding tagtuyot kapag tag-araw; at matitinding pagbaha
kapag tag-ulan.”
“Aking pinadaus-dos ang mga bundok, ang mga Vulcan ay aking pinausok. Subalit
ang tao’y saglit lamang na natakot, bumabalik sa masamang gawa kapag ang mga
ito ay natapos.”
“Akin ding isinugo ang mga uod at balang, upang salantain ang kanilang taniman,
pati na ang kanilang mga kawan ay akin nang sinaktan, anupa’t marami na sa
kanila ang nangamamatay.
36
Ang totoo sari-saring sakit na rin ang sa kanila’y aking pinaranas; mga sakit na di
alam ang lunas, subali’t hangga ngayon ang tao’y sadyang matigas, angking talino
at agham ang ipinangangahas.”
“Dahil dito’y akin ngayong ipinapasiya, na magbigay sa tao ng huling babala. Ang
mga salot at kalamidad na aking tinuran, ay lalo kong paiigtingan, kapag ang tao
ay di pa rin maawat sa pagsira niya sa lupa, dagat at mga kagubatan. Ang layunin
ko’y bigyan ng ALARMA ang tao na ang masama niyang gawa ay dapat na niyang
tigilan.”
“Sapagkat dapat niyang mapagtanto na ang ginawa niyang pagpinsala, siya rin ang
aani sa magiging bunga. Kung ngayon kayo na aking ibang nilalang ang naglalaho,
ang kasunod na mawawala ay ang tao. Dahil akin nang batas nuon una pa, na
kung ano ang itinanim, ay siya ring aanihin.”
“Akin ngayong itinataas ang aking tinig laban sa apat na haliging humubog sa
kaisipan, kamalayan at gawi ng tao: sina Romano, Cesario, Amerigo at Oxfordo.
Panahon na upang inyong mapagtanto, na ang aking nilalang ay hindi lamang ang
tao. Isa lamang siyang tuldok sa sansinukob na aking nilikha. Ang pag-iral niya’y
hindi nakahiwalay, kundi ito’y nakaugnay sa pag-iral ng iba ko pang mga nilalang.”
37
“Oo’t siya’y aking hinirang na maging katiwala sa lahat kong nilalang,
subali’t hindi ito nagbigay sa kaniya ng karapatan na gawing malaya ang balang
maibigan. Sapagkat sa bawat gawaing pagsira sa mundo at kalikasan, ang balik
nito’y sa sarili din niyang kapahamakan.”
“Sa araw na ito ay aking ibinababa ang aking sampung kauutusan; kautusang
dapat magsilbing panuntunan ng tao, upang masagip ang mundo na aking nilika.
Magbantay kayo o lupa, dagat at mga punong kahoy, sapagkat sa sinumang dito
ay lumabag, mabagsik na hatol ko ay akin nang igagawad.”
38
Ang Dekalogo ni Bathala
1. Lupa
Huwag mo nang sasaktan ang Lupa sapagkat diyan ka nagmula, at ang
iyong pagkain ay sa kaniya rin kinukuha. Ang lupa ay siyang Likas na
tahanan, dapat itong pangalagaan
2. Tubig
Huwag ka nang gagawa ng anumang ikadudumi ng Tubig, at huwag mo
nang sasagkaan ang natural na daloy nito. Ang tubig ay buhay na biyaya
ng Kalikasan, dapat itong ingatan.
3. Hangin
Huwag mo nang dumhan pa ang hangin na iyong nilalanghap, sapagkat sa
paggawa mo nito sarili mo ang mapapahamak. Ang hangin ay hininga ng
Kalikasan, panatilihin itong dalisay.
4. Enerhiya
Gamitin mo ang natural na lakas ng kalikasan, sapagkat dito ay wala nang
hihigit pa sa dulot na pakinabang. Ang natural na enerhiya ay puwersa ng
Kalikasan, gamitin ito ng may kabuluhan.
5. Punong kahoy at Halaman
Huwag mo nang ipahamak ang mga Punong Kahoy at Halaman, sapagkat
sila man ay nagdudulot sa’yo ng pagkain at kapakinabangan.
6. Mga hayop sa lupa
Mahalin mo ang mga hayop, malalaki o maliliit man, sapagkat sila man ay
may karapatan sa buhay at matatahanan.
39
7. Mga Hayop sa Dagat
Huwag ka nang magpakalabis sa paghuli sa mga isda at iba pang lamang
dagat at ingatan mong huwag pinsalain ang kanilang tahanan.
8. Mga ilog at batisan
Ingatan mo nang maging malinis ang mga Ilog at Batisan, upang manatili
ang dalisay na tubig sa iyong inuman.
9. Mga bundok
Huwag mo nang giikin ang mga bundok o baguhin man ang hugis ng mga
ito, sapagkat may tiyak na layon kung bakit gayon sila itinatag.
10. Mga ibon at kulisap
Mahalin mo ang mga ibon at kulisap, huwag mo silang itaboy at ipahamak,
sapagkat sila man ay naghahayag ng aking kapangyarihan.
40
Kabanata 8
Ang Alarma
Ang Alarma o Babala ay isang mensahe ng Pag-ibig ng nagbababala sa
kaniyang binababalaan. Ang Manlilikha ay Pag-ibig, ngunit tagapag-gawad din
siya ng Katarungan. Ang katarungan ay nakasalig sa batas o kautusan na siyang
dapat maging panuntunan sa pagsunod.
Kapag ang binabalaan ay hindi nagbago, sa paraang hindi sinunod ang
batas o panuntunang inihayag, ilalapat sa kaniya ang parusa bilang bahagi ng
Katarungan.
Ang Mundo sa kasalukuyan ay nasa kritikal na kalagayan – maitutulad ito
sa isang pasyenteng naghihingalo. Palala nang palala ang tinatawag na “Global
Warming.” Sintomas ito ng malubhang sakit na dinaramdam ng Inang Lupa at ng
Kalikasan. Kung tutuusin, ang “Global Warming” ay dapat na ituring na “Global
Warning” para sa lahat ng tao sa lahat ng sulok na daigdig.
Araw-araw ay laman ng mga pahayagan sa lahat ng larangan ng media ang
mga masasamang epekto ng “Global Warming,” pangunahin dito ang pagbabago
ng klima o “Climate Change.”
Sa katotohanan, nagkataon o sadyang pinagtiyap ng panahon, na habang
isinusulat ang kabanatang ito ng aklat, ay bumuluga sa TV screen ang headline
na nagsasabing: “ANG PILIPINAS, SA LAHAT NG MGA BANSA SA ASIA,
ANG PINAKA-APEKTADO SA CLIMATE CHANGE.” Pagkatapos ay
ipinakita sa isang bahagi ng bansang Iceland, ang unti-unting pagkalusaw ng
malaking tumpok ng yelo, na ang sukat ay halos sinlaki ng siyudad ng Quezon.
Dahilan ito ng pagtaas ng lebel ng tubig-dagat sa dakong yaon. Bagay na di
malayong mangyari din sa iba pang panig ng mundo.
41
Ang sinabing ito tungkol sa Pilipinas ay totoo sa pangyayari! Katatapos
lang nating danasin ang El Niño na kung saan ay nagdulot ng matinding tagtuyot
na lubhang nagpahirap sa ating mga magsasaka. Dahilan kaya halos wala silang
inani mula sa kanilang mga pananim. Ang isa pa sa matinding epekto nito ay ang
krisis sa tubig sapagkat ang mga dam na nagsisilbing imbakan ay halos matuyuan
dahil walang dumarating na ulan.
Ngayon naman ang nakaamba ay ang La Niña, dahil sa pagsapit ng tagulan.
Pinangangambahan naman ngayon ang mga pagbaha dulot ng mga sunodsunod
na bagyo, katulad noong taong 2009, lalo ng manalasa ang bagyong Ondoy
–na halos buong Metro Manila ay lumubog sa tubig-baha. Hindi na ito
malilimutan ng mga Filipino sa tindi ng pinsalang idinulot nito sa buhay at ariarian
ng marami nating mga kababayan.
At di pa tayo halos nakakabangon, dalawang malalakas na magkasunod na
bagyo na naman ang humagupit sa ating bansa: Sina Pedring at Quiel, na dahil sa
kanilang pinagsanib na puwersa ay nahigitan ang pinsalang nagawa ng bagyong
Ondoy.
Kamakailan lang ay ginulat din tayo ng balita tungkol sa pagsalakay ng
laksa-laksang uod sa mga taniman sa isang lugar sa Batangas – na sa dami nila’y
ekta-ektaryang maisan at iba pang mga pananim ang nasalanta. Halos hindi
mapaniwalaan subalit ipinakita kung paano ubusin ng mga uod ang mga luntiang
dahon ng mga pananim na halos tangkay na lang ang naiiwan.
Nakakatawag din ng pansin ang balita mula sa Pangasinan at Batangas
ukol sa maraming patay na isda na naglulutangan bunga ng matinding init ng
tubig at kakulangan ng oxygen. Sa ibang panig naman ng mundo ang sanhi ng
tinatawag na “fish kill” ay ang sobrang lamig at matinding polusyon sa tubig.
At kamakailan lang ay ginulantang tayo ng balita na libu-libong ibon ang
bigla na lamang patay na nangahulog mula sa mga puno at himpapawid.
42
Di na rin mabubura sa isip ng mga Filipino ang trahedyang naganap sa
Ormoc City noong Nobyembre 1991, dulot ng biglang pagbaha at pagguho ng
lupa, na kung saan mahigit 5,000 buhay ang nakitil. Halos ganito rin ang nangyari
sa mga bayan ng Infanta, Real, at Gen. Nakar, Lalawigan ng Quezon noong
Nobyembre 29, 2004. Marami din ang mga napahamak at nawalan ng tahanan
dahil kasama ng mga troso na inanod ng tubig at natabunan ng lupa bunga ng
biglang pagbaha at “landslide.”
At noon lamang nakaraang taon (2011) ay napaulat ang bihirang pangyayari
sa Davao, Cotabato at Maguindanao, na sinalanta ng matinding pagbaha. na
batay sa tala ng kasaysayan ng tatlong Probinsiyang ito ay ngayon lang nila
naranasan ang ganitong uri ng kalamidad.
At ang pinakahuling napabalita kamakailan lang na gumimbal sa buong
daigidig ay ang pangyayari sa Japan na kung saan naganap ang napakalakas na
lindol (8.9 magnitude --pangalawa sa pinakamalakas sa buong daigidig). Na ito’y
sinundan ng dambuhalang tsunami na literal na lumamon sa bayan ng Sheindai.
At hanggang sa sandaling ito na isinusulat ang bahaging ito ng aklat ay
kasalukuyan pa ring nagdadalamhati ang buong bansa ng Japan sa dami ng mga
nangamatay (mahigit 4,000) at nagdulot ng napakalaking kapinsalaan sa maraming
ari-arian.
Nauna pa rito ang dalawang malaking sakuna na dinanas ng ating bansa –
ang malakas na lindol noong July 16, 1990, na sumentro sa Baguio City at ang
pagputok ng Bulkang Pinatubo noong 1991.
Ang dalawang malaking trahedyang ito sa magkasunod na taon ay
nagdulot ng matinding dagok sa buhay ng marami nating mga kababayan na
kailanman ay hindi na malilimutan. Dagdag pa rito ang sinasabi ng mga
siyentipiko na ang pagputok ng Bulkang Pinatubo ay nakapag-ambag sa suliranin
ngayon ng buong mundo na pagbabago ng klima o “climate change” dahil sa abo
na isinambulat nito sa kalawakan.
43
Ang Senaryong ito ay dito pa lang sa Pilipinas. Kung isasama ang mga
pangyayari sa ibat-ibang panig ng daigdig, lalong marami ang mga kahindik-hindik
na kalamidad ang nagaganap: tulad ng mga paglindol, tsunami, twister, heat
wave, cold wave, super typhoon, forest fires at ang ibat’ibang uri ng
karamdaman na malimit ay sinasabing galing sa mga hayop, kulisap o kaya ay virus
o mikrobiyo.
Mga kalamidad na sinasabing natural, subalit sa katotohanan ay sa gawa
ng tao ito nag-ugat.
Ang “Global Warming” ay hindi gawa ng kalikasan o “natural phenomenon”
–hindi ito “Act of God” na siyang lumikha ng Mundo para maging perpektong
tahanan ng tao. Ito ay bunga ng ginawa ng tao na pakikialam sa likas na daloy ng
Kalikasan at tuloy-tuloy na pagsira sa Mundo at Kapaligiran. Ang mga
pangunahing resulta ay ang matinding polusyon ng tubig, lupa at hangin. Kaya
ang solusyon sa malaking suliraning ito ay nakasalalay sa kamay ng tao na siya ring
may gawa nito.
Ito ay humihingi ng isang malaking pagbabago ng paniniwala at pananaw
tungkol sa mundo, sa kalikasan at sa iba pang mga kinapal - na ang Mundo ay
nilikha upang maging tahanan ng tao at ng iba pang mga nilalang; na ang
Kalikasan ay may likas na daloy na di dapat salungain; na ang mga likas na yaman
ay may punto ng pagkaubos; at ang iba pang mga nilikha ay mayroon ding
karapatang mabuhay at karapatan sa tahanan. Ang tao ay dapat umiral bilang
bahagi at kaugnay ng lahat ng iba pang mga nilalang at hindi siya nakahiwalay o
natatangi.
Kailangan din ang isang nagkakaisang pagkilos, higit na dakila kaysa sa mga
Krusada ng nagdaang panahon. Isang Repormasyon tungo sa isang
Makakalikasang Adhikain. Ito ang Krusada para sagipin ang Mundo sa tuluyang
pakasira nito.
Ang pagkilos ay ngayon na, hindi na ito dapat ipagpaliban pa, bago mahuli
ang lahat! Atin nang nakita at narinig ang…A L A R M A!!!
44
Ang mga datos, mga pangyayari, at mga di panakaraniwang kaganapaan na
inilahad sa itaas ay mga katibayan ng tuloy-tuloy at walang patumanggang pagsira
ng tao sa Mundo at sa Kalikasan … kailan kaya maririnig ng tao ang sakdal pait
na pagtaghoy ng Inang Lupa? Kalian kaya niya ididilat ang kaniyang mga mata
para kaniyang makita ang pagtangis ng Inang Kalikasan? Kailan kaya niya
ibubukas ang kaniyang mga tainga, upang kaniyang marinig ang malakas na tunog
ng…
ALARMA!!!
45
Mga Hakbang Na Maaaring Gawin Para Labanan ang “Global Warming”
1. Edukasyon – ito ang unang hakbang tungo sa pagbabago. Kailangang
mamulat ang ating kamalayan na ang mga di pangkaraniwang kalamidad
ngayon na ating nakikita at nararanasan ay bunga ng pagbabago ng klima o
“climate change”. Kasunod nito ay dapat nating malaman at isagawa ang
mga hakbang na maaari nating pansariling gawin upang maampat ang
“global warming”.
2. Magtanim ng Punong Kahoy at Alagaan – isa ito sa pinamamahalagang
hakbang na maaari nating gawing pansarili upang magkaroon tayo ng
ambag para maampat ang “global warming’ na siyang dahilan ng “climate
change.” Magtanim tayo ng punong kahoy sa ating bakuran o kaya ay
sumama sa mga “tree planting activities” na isinasagawa ng Pamahalaan.
Ang punong kahoy at iba pang mga halamang may dahon ang may
pinakamalaking magagawa para sisimsimin ang carbon dioxide – isa sa mga
greenhouse gases na sanhi ng global warming.
3. Ang Tatlong R’s (Reduce, Reuse, Recycle) – mahalagang matutuhan ito ng
bawat indibiduwal. Nagkakaroon ng basura kapag pinaghahalo ang di
dapat paghaluin. Ang nabubulok ay di dapat ihalo sa nabubulok. Kaya
dapat matutuhan ang pagbubukod (segregation). Sa ganitong kaparaanan
nababawasan agad ang kakat o basura. Ikalawa, pag-aralang gumamit ng
mga segunda manung kagamitan. Halimbawa ay ang mga plastic na lalagyan
o kagamitan. Kung maaarimpa naming gamitin ay huwag munang itatapon
bagkus ay linisin at gamitin uli. Ikatlo, matutong mag-recycle ng mga bagay
tulad ng plastic, bakal, tanso, aluminum o kaya ay papel. Ipunin ang mga
46
ito at linisin sa halip na itapon at dalhin sa pinakamalapit na junk shop
upang maging pera.
4. Mag-Compost – Mahigit na 60% sa basura ay nabubulok (degradable).
Karamihan ay mula sa pagkain (food waste) o dili kaya ay mga basura na
mula sa gawain at produktong agrikultura (agricultural waste). Lahat ng
ito ay maaaring i-compost o bulukin upang maging pataba o soil enhancer.
Pag-aralan ang proseso ng composting sa pamamagitan ng pagdalo sa mga
seminar na pinangangasiwaan ng mga agricultural technicians o dili kaya ay
pagbabasa ng mga polyeto na tumatalakay dito.
5. Hardin sa Bawat Tahanan -
47
Comments
Post a Comment